NPA, sunod-sunod na umatake sa ilang bayan sa Palawan

PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Sunud-sunod ang pag-atakeng isinasagawa ng mga grupo ng New People’s Army (NPA) sa ilang bayan sa Palawan.

Noong nakaraang July 19 ay may pinatay na dalawang sundalo sa Brgy. Magara, Roxas, Palawan.

Tahasang inako ng grupong Bienvenido Vallaver Command ang ginawang pamamaslang sa dalawang sundalo habang ito ay namamalengke sa public market.

Noon namang nakaraang Biyernes, July 21, habang binibigyan ng parangal ang dalawang sundalong inilipat ang mga labi sa Apolinario Jalandoon Naval Station, ay may nakarating na ulat sa Western Command na may namataang grupo ng mga NPA sa Sitio Ilyan, Brgy. Malihud, Bataraza.

Bilang tugon sa ulat mula sa mga residenteng naninirahan sa lugar ay agad na nagpadala tropa mula sa
MBLT4 Troops ang Western Command upang i-verify ang ulat.

Sa pagberipika ng ulat ay nagkapalitan putok sa pagitan ng dalawang grupo na tumagal hanggang tanghali.

Nang matigil ang putukan ay lumantad ang dugo sa lugar na pinuwestuhan ng mga makakaliwang grupo.

Ito ay patunay na mayroong mga sugatan mula sa hindi matukoy na bilang ng NPA na nakasagupa ng grupo ng militar.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang improvised explosive device (IED) at mga magazine na may mga laman pang bala na pagmamay-ari ng mga NPA.

Hinihinalang ang mga natagpuang IED ay gagamitin ng mga grupo upang maghasik pa ng pinsala at mga kaguluhan kung kaya naaalarma na din ang mga residenteng naninirahan doon.

 

Anne Ramos – Eagle News Correspondent, Palawan