SAN NICOLAS, Pangasinan (Eagle News) – Arestado ang dating vice mayor ng San Nicolas, Pangasinan noong Martes, August 15, matapos makakuha ang pulis ng mga bala sa kaniyang bahay.
Inaresto ng pulisya si Luis Ditol bandang alas-sais ng umaga sa kaniyang tirahan sa Poblacion East, kung saan nakuha ang isang caliber .45 na baril, dalawang magazine ng caliber .45, 24 piraso ng live ammo para sa caliber .45 at 12 pirasong ng live ammo para naman sa caliber 9 mm.
Nagpunta ang mga pulis doon sa bisa ng isang search warrant na inisyu ni Judge Emma S. Ines-Parajas ng Pangasinan Regional Trial Court.
Ayon sa mga awtoridad, bagaman lisensyado ang caliber .45 na nakuha sa bahay ni Ditol, may mga bala ng 9 mm na baril na nakuha sa kaniya.
Dahil dito, kinasuhan ang dating bise alkalde ng illegal possession of ammunition noong Miyerkules, Aug. 16, subalit agad din naman siyang nakapagpiyansa.
Ayon sa pulisya, may mga hindi rin na-renew na baril si Ditol ngunit hindi na nila ito nakita o nahanap, kung kaya’t maaari anila na naibenta na ang mga ito.
Naging bise alkalde ng San Nicolas si Ditol mula 1997 hanggang 2007.
Juvy Barraca – Eagle News Correspondent, Pangasinan