(Eagle News) — Piso para sa laban ni Leni.
Ito ang naging paraan ng mga indibiduwal na sumusuporta sa bise presidente kaugnay sa counter protest ng Pangalawang Pangulo sa inihaing electoral protest ni dating senador Ferdinand “Bongbong Marcos” hinggil sa nakaraang halalan.
Nauwi sa fund-raising ang grupo dahil hindi anila kayang bunuin ng bise presidente ang natitirang P7.4 million na dapat bayaran sa Presidential Electoral Tribunal (PET).
Sabi ni Atty. Purificacion Bernabe, walang iligal sa kanilang ginawa dahil kahit isang public official ang benepisyaryo ng kanilang fund-raising, hindi naman aniya ito ipinagbabawal ng batas.
Mahigit dalawang buwan na nang pasimulan ng grupo ang “Piso para sa laban ni Leni,” nasa dalawampu’t limang libo katao ang anila ay nakiisa sa kanilang programa at sa kasalukuyan ay nakalikom na ng mahigit P6.8 million.
Bilang mamamayan sa demokratikong bansa, mahalaga anilang mabantayan ang kanilang boto at ang kanilang kinikilalang tunay na Vice President.
August 9 nang ibinasura ng Supreme Court na tumatayong PET ang petition to intervene kung saan nais nilang pahabain ang panahon sa pagbabayad ng natitirang kailangang bayaran kaugnay sa counter protest at bahagi nito.
Muli namang nagsumite sa PET ang grupo ng panibagong motion for reconsideration kaugnay pa rin sa petition to intervene.
July 14 ang deadline ng PET na mabayaran ang kabuuang 15.4 million peso pero kinatigan ng PET ang petisyon ng kampo ng bise presidente na babayaran na lamang ang natitirang cash deposit na P7.4 million pagkatapos ng recount sa unang tatlong probinsiya na tinukoy ng dating Senador Marcos.
Ayon kay Marcos, sa tatlong probinsiya na ito nagkaroon ng malawakang dayaan noong nakarang 2016 national elections.
(Eagle News Service Erwin Temperante)