Eagle News — Sinimulan na ng militar ang pag-usad sa nalalabing kuta ng Maute terror group sa lungsod ng Marawi City sa pagsapit ng ika-100 araw ng bakbakan bilang kanilang final assault.
Lalo pang pinaigting ng militar ang mga airstrike at mortar attack sa 500-square-meter sa lungsod para mabuwag na ang puwersa ng Maute group at Abu Sayyaf na patuloy na nagkukuta sa mga gusali doon.
Ayon kay Brig. Gen. Rolando Joselito Bautista, commander ng 1st Infantry Division, ito ang paraan nila para maklaro ang lugar bago makapasok ang mga sundalo para sa kanilang final assault.
Ayon pa kay Bautista, isa sa kanilang mga natutunang leksiyon ay kailangan nilang ibuhos ang kanilang firepower para masuportahan ang kanilang advancing troops.
Nasa 500 metro na lamang ang layo ng advancing troops mula sa lawa, kung saan muling nabawi ng gobyerno ang Barangay Mapandi.
Samantala, nanawagan naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko na patuloy na suportahan ang tropa ng pamahalaan para tuluyan ng maging malaya ang Marawi mula sa kamay ng teroristang Maute group at Abu Sayyaf.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, patuloy ang kanilang apela sa publiko na manalangin para mabilis na maresolba ang problema sa Marawi.
Sa pinakahuling tala ng AFP, halos 800 na ang nasawi sa giyera sa Marawi. Sa naturang bilang, 617 dito ay mula sa bahagi ng mga terorista, 133 mula sa tropa ng gobyerno habang 45 naman ang mga sibilyan.
Sa tantiya ng militar, nasa 40 na lang ang mga kalabang terorista sa loob ng Marawi City.