BAGUIO CITY, Benguet (Eagle News) – Naging panauhing pandangal si Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo sa opening ng Photo Gallery na ginanap sa Function Hall ng University of the Cordillera, Governor Pack Road, Baguio City, noong August 30.
Ito ay may temang, “Istorya ng Pag-asa.”
Dinaluhan ito ng ilang opisyal mula sa iba’t-ibang ahensya ng lungsod at lalawigan, local government units, at nongovernment organizations, kasama ang ilang local artists, at sports personalities.
Sa maikling talumpati ng Pangalawang Pangulo ay binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagpupunyagi at pagsisikap na dapat gawin ng bawat tao.
Hindi aniya hadlang ang kahirapan sa isang lipunan para hindi makamit ang inaasam na pangarap sa buhay.
Binasa rin sa naturang aktibidad ang ilang kuwento o istorya ng buhay ng ilang piling mga tao na sa simula ay mula sa mahihirap na kalagayan ngunit naging matagumpay dahil sa pagsisikap sa buhay.
Tumanggap naman ng parangal mula sa bise presidente ang ilang indibidwal na naging matagumpay sa iba’t ibang larangan.
Isa si Mixed Martial Arts (MMA) World Champion Edward Foloyang ng Team Lakay sa Cordillera ang tumanggap ng parangal mula kay Robredo.
Si Foloyang ay naging matagumpay sa larangan ng kickboxing na nag-uwi na ng maraming medalya at parangal mula sa iba’t ibang boxing fight/ events na ginanap hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.
Ayon sa MMA champion, naging inspirasyon niya ang kahirapan at kaniyang mga kababayan para lalo pang magsikap at makamit ang pagtatagumpay at makapag-uwi muli ng mga karangalan sa bansa.
Freddie Rulloda, Daisy Castaňeda at Lito Tomita – Eagle News Correspondent, Baguio City