QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) – Pinangunahan ng Friendly Alliances and Media Expressions (FAME) Incorporated ang aktibidad na tinawag nilang “Sweet Escape: Hataw Galaw sa Kalusugan 2017.”
Ito ay okasyon na ginagawa taun-taon upang lalong maitaas ang awareness o kamulatan tungkol sa panganib, paghadlang at paggamot ng diabetes mellitus.
Ayon kay Dra. Joy Arabelle Fontanilla, Head ng Center for Weight Intervention and Nutrition Services ng St. Lukes’ Medical Center – Global City, ang diabetes ay isang nakamamatay na sakit.
Dapat aniya itong pagtuunan ng pansin upang mahadlangan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga taong dinadapuan nito.
Sinabi pa ni Fontanilla na sa bawat anim na segundo ay may isang tao na may diabetes ang namamatay.
Upang maiwasan ito, marapat lamang na kumain ng tama, magkaroon ng oras sa pag-eehersisyo at gawin ang healthy lifestyle.
Sa datos naman ng International Diabetes Federation (IDF, tinatayang may mahigit na apat na milyong adults sa buong mundo ang may diabetes.
Mahigit naman sa limang daang libong kabataan ang nabubuhay na may Type 1 diabetes.
Binigyang-diin naman ni Dr. Augusto Litonjua, presidente ng Philippine Center for Diabetes Education Foundation (PCDEF) Incorporated, na hindi ang cholesterol ang nagiging sanhi ng pagtaas ng triglyceride ng blood pressure at diabetes kundi sa mga kinakaing prutas at processed foods na sagana sa asukal na kung tawagin ay fructose.
“Ang nakakataba, yung soft drinks sapagkat ang soft drinks ay mayroong masamang asukal na nagpapalaki ng ating tiyan. Doon sa tiyan na yun ay andun yung atay natin na pagsisiksikan ng fructose kung saan nagsisimula yung sakit na high blood pressure, mataas na triglycerides,” pahayag ni Litonjua.
Sinabi naman ni Dr. Pepito dela Peña, presidente ng Philippine Society of Endocrinology, Diabetes and Metabolism na kung dinapuan na ng diabetes ay dapat pa rin na naglalaan ng oras sa pag-i-ehersisyo upang maging physically fit pa rin.
Ayon pa sa mga ekspertong nabanggit, tatlong “K” ang dapat nating iwasan. Ito ay ang “katabaan, katamaran at katakawan.”
Belle Surara -Eagle News Service