CAGAYANCILLO, Palawan (Eagle News) — Sa ginanap na 4th International Marine Protected area Symposium ng Global Ocean Refuge System (GLORES) sa bansang Chile ay itinanghal ang Tubbataha Reef bilang isa sa “Superlative Marine Protected Areas.”
Nakatanggap din ito ng Platinum Global Ocean refuge award.
Kasama sa mga itinanghal bilang “Superlative Marine Protected Areas” ang Marine National Monument ng United States, Malpelo Fauna at ang Floral Sanctuary ng Columbia.
Idineklara ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang Tubbataha Reefs National Park bilang World Heritage Site noong 1993 dahil sa pambihirang katangian nito na pinakamaraming uri ng marine species.
Taong 1999 naman ay isinama sa Wetlands of International Importance ito.
Noong 2008 ay nominado bilang isa sa New 7 Wonders of Nature kasabay ng Puerto Princesa Subterranean River National Park.
Matatagpuan ang Tubbataha Reef sa timog silangang bahagi ng Puerto Princesa at nasasakop ng Cagayancillo, Palawan.
Rox Montallana – Eagle News Correspondent, Palawan