LIPA City, Batangas (Eagle News) — Apat na bangkay ng lalaki ang natagpuan sa isang rainwater storage facility ng isang farm sa Lipa City, Batangas.
Hinihinalang Lunes pa ng umaga nasa loob na ng water tank na imbakan ng tubig-ulan na gagamitin bilang pandilig sa mga halaman ang mga biktima dahil tinatawagan umano ang mga ito ng kanilang among Australiano subalit hindi na sila ma-contact.
Kukuha sana ng mushrooms ang isa sa kapatid ng mga biktima at sa di sinasadyang pagkakataon, sinilip niya ang loob ng nasabing tangke.
Bumulaga sa kanya ang bangkay ng apat na lalaki na nakalutang sa halos isang metrong taas ng tubig.
Doon na ito humingi ng tulong sa may-ari ng farm at kaagad na ipinagbigay-alam sa mga otoridad ng lungsod.
Isa-isang iniangat mula sa tangke ng Lipa City Rescue Team at Bureau of Fire Protection ang mga bangkay.
Tumanggi muna ang mga otoridad na pangalanan ang mga biktima sa kahilingan na rin ng mga kamag-anak ng mga ito.
Ayon kay PSupt. Meliton Salvadora Jr, hepe ng Lipa City Police Office, suffocation ang isa sa tinitingnan nilang dahilan na sanhu ng kamatayan ng apat.
Aniya; may mga kemikal sa loob ng tangke.
“Titingnan pa natin kung through chemicals na maaaring ginamit doon sa ano sa paggawa nung water storage na yun or anything else. Malalaman naman natin yun paglabas ng resulta ng autopsy,” pahayag ni Salvadora.
Nakalagak ngayon ang apat na bangkay sa isang punerarya kung saan isasagawa ang autopsy upang matiyak kung mayroong “foul play” sa kanilang pagkamatay.
Tikom naman ang bibig ng among Australiano subalit nangako itong sasagutin ang mga gastusin sa pagpapalibing ng mga bangkay.
(Ghadzs Rodelas – Eagle News Correspondent)