(Eagle News) — Makikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ni Horacio Castillo III sa darating na Miyerkules, Oktubre 4.
Ito ang inihayag ng Department of Justice kasunod ng pakikipagkita nitong Huwebes ng pamilya Castillo kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa DOJ.
Ayon kay Justice Undersecretary Erickson Balmes, hiniling ng pamilya Castillo kay Aguirre na tulungan sila na makapagtakda ng pulong sa Pangulo.
“They wanted to thank the DOJ for the things we are doing to help solve the case and they asked me to help them get an audience with President Rodrigo Duterte, which was granted. They will see the president on Wednesday,” pahayag ni Balmes.
Pinagtibay naman aniya ng Malacañang ang kahilingan ng pamilya ng hazing victim.
Sinabi pa ni Balmes na nagpasalamat ang pamilya ni Atio kay Aguirre para sa lahat ng tulong kaugnay sa imbestigasyon sa pagkamatay ng kanilang anak.
Kasama sa nagtungo at humarap kay Aguirre ang mga magulang ni Atio na sina Horacio II at Carminia, kapatid na si Nicole at tiyuhin na si Dr. Gerry Castillo.
Una nang itinakda ng DOJ sa October 4 ang simula ng preliminary investigation sa mga kasong isinampa laban kay John Paul Solano at iba pang mga suspek sa pagkamatay ng law student.
https://youtu.be/yW7IpYVBNzg