(Eagle News) — Nakatakdang kanselahin ng National Housing Authority ang kontratang iginawad sa JC Tayag Builders.
Sa pagdinig ng House Committee on Housing at House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni NHA Assistant General Manager Froilan Kampitan na padadalhan nila ng letter of termination ang kumpanya ni Juanito Tayag.
Bidding
Ayon kay Kampitan, ire-rebid o muli nilang idaraan sa bidding ang kontratang naigawad sa JC Tayag Builders para matapos nang maayos ang bahagi ng Yolanda Housing project na sakop ng kontrata nito.
Ipinag-giitan naman ni Tayag na hindi ito gumamit ng substandard na materyales sa pagtatayo ng Yolanda Housing.
Sa halip ay ikinatuwiran nito na posibleng may nanabotahe sa kaniyang hawak na proyekto.
Ang lahat ng kontratang nakuha ng JC Tayag Builder sa NHA ay may kabuuang halaga na 800 million pesos.
Nanindigan si Tayag na hindi sila gumamit ng 8 mm na steel bars sa housing project na hawak nila sa ilalim ng Yolanda Housing Project.
Nagtataka umano si Tayag, at posible aniya na may nanabotahe sa kanya dahil hindi niya alam kung paano nakarating sa hawak niyang project site ang 8mm steel bars.
Substandard na bakal
Pero giit ni NHA Region 8 Director Engr. Rizaldy Mediavillo, December 2016 pa lamang ay minemohan na niya ang JC Tayag Builders dahil noon pa lamang ay alam na nilang gumagamit ito ng 8 mm na bakal.
Ipinatatama pa umano nila sa kontratista ang pagkakamali dahil kung hindi ito gagawin ay hindi nila ito babayaran.
Una na ring sinabi ni Housing Committee Chairman Albee Benitez na ininspeksyon nila ang mga kontrobersyal na Yolanda Housing Units sa Eastern Samar at nakita ng kanilang inspection team na gumagamit talaga ng 8 mm steel bars ang JC Tayag Builders.
(Eagle News Service, Madelyn Villar Moratillo)