NARRA, Palawan (Eagle News) — Tatanggap ngayon ng dalawang milyong pisong halaga ng tulong pangkabuhayan ang mga mangingisda sa bayang ito dahil sa pagkahirang ng bayan bilang regional winner ng malinis at masaganang karagatan 2017.
Ang nasabing gantimpala ay magmumula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Mimaropa, na nagsagawa ng search for outstanding coastal community sa buong rehiyon.
Sa naging panayam ng Eagle News team kay Narra Mayor Lucena Demaala, ipinadala sa kanya ng BFAR Mimaropa ang magandang balitang ito sa pamamagitan ng email kasunod ang sertipiko.
Tuluy-tuloy naman umano ang mga isinasagawa nilang pagbabantay sa mga karagatan upang mapanatili ang kalinisan nito at gayon din ang pagbuo ng mga panuntunan upang maayos na matugunan ang pangangailangan ng mga mangingisda.
Pinaigting din ng lokal na pamahalaan ang pagsugpo sa mga iligal na gawain sa karagatan lalo na sa mga tourist spot sa lugar.
Nakatakda rin ang marami pang mga proyekto para sa mga mangingisda sa bayan upang patuloy na mapaunlad at mapagyaman ang kanilang karagatan. (Anne Ramos – Eagle News Correspondent)