PIGKAWAYAN, Cotabato (Eagle News) – Isang bahay ang nabangga ng isang cargo truck na may kargang sako ng mais sa may Midpapan Crossing, Tubon Hiway, Pigcawayan, Cotabato nitong Lunes, October 23 bandang 4:00 ng madaling araw.
Ang nasabing truck ay minamaneho ni Ibrahim Asiz Amirol, 49 taong gulang, kasama nito ang nagngangalang Walid Baring Maruhom, kapwa residente ng China Town Malabang, Lanao del Sur. Napag-alaman din na walang driver’s license si Amirol.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, galing sila sa Malabang, Lanao, del Sur at nakatulog umano ang driver nang sila ay nasa Barangay Tubon, Pigcawayan, Cotabato.
Nawala na rin ito ng control na bumanga na sa bahay na yari sa sawali na pagmamay-ari ni Jose Sanny Salibio Apongan, 48 taong gulang, residente ng nasabing barangay, na natutulog nang mangyari ang insidente. Agad na dinala sa Pigcawayan Doctors Specialist Hospital Inc., ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival. Samantalang ang kinakasama ng biktima na si Marilyn Teves at ang isa pang nanagngangalang Rane Magbanua ay nagtamo ng minor injuries.
Ang driver ay nasa kustodiya na ng Pigcawayan Municipal Police Station.
(Eagle News Correspondent Dennis Raymundo)