Decryption at printing ng mga ballot images sa 3 probinsya, sinimulan na ng COMELEC

(Eagle News) — Inumpisahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang decryption at printing ng mga ballot images mula sa tatlong probinsya para sa recount ng mga boto kaugnay sa electoral protest ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., laban kay Vice-president Leni Robredo.

Kinumpirma ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez na nitong Lunes, October 23, umusad na ang pag-decrypt at pag-imprenta ng ballot images at iba pang data sa SD Card mula sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental alinsunod na rin sa kautusan ng Presidential Electoral Tribunal (PET).

Isinagawa aniya ito sa Comelec main headquarters sa Intramuros, Maynila at dinaluhan ng mga kinatawan ng PET at Comelec Legal Department.

Ayon kay Rodriguez, aabutin ng pitong buwan ang pagtapos sa decryption at printing ng ballot images sa tatlong pilot provinces.

Tinangka pa anya ng kampo ni Robredo na ipagpaliban ang decryption sa kadahilanang dalawang revisors lang ang kanilang dinala.

Pero ibinasura ng Comelec ang motion to postpone ni Robredo at itinuloy ang decryption.

Sinabi pa ni Rodriguez na inatasan na rin ng PET ang mga exploratory teams na simulan na ang paghanap sa mga ballot boxes sa clustered precincts ng Camarines Sur para maipag-utos na ang retrieval at transfer nito sa Supreme Court sa Maynila kung saan isasagawa ang recount ng mga boto.

 

(Eagle News Service Meanne Corvera)