Delay sa pagdating ng mga package, asahan na – PHL Post

(Eagle News) — Humihingi na ng paumanhin ang Philippine Post Office (PHL Post) sa mga makararanas ng pagkakaantala ng kanilang mga inaabangang padala o package.

Dahil ito sa inaasahang pagdagsa ng mga padala, partikular na ang mga parcel o package na may halagang ten thousand pesos pababa ang mga laman.

Paliwanag ni Assistant Postmaster General Luis Carlos, malaki ang epekto ng pagbaba ng Department of Finance sa de minimis o pinakamababang halaga ng mga gamit na ipapadala para maging tax-free ang shipping nito sa Pilipinas.

Mula kasi nang ipatupad ang mas mababang de minimis isang taon na ang nakalilipas, mas marami na aniya ang mga pumapasok na e-Commerce packets o mga online purchases na patingi-tingi ang laman.