CEBU CITY, Cebu (Eagle News) – Naaresto ng Cebu Port Authority Police ang isang lalaki at kasama nitong babae dahil sa iligal na pagtataglay ng 21 na mga baril sa Cebu City noong Linggo, November 12.
Kinilala ang dalawa na sina Euligiano Bueno Camance Jr., 43 taong gulang at naninirahan sa Guinacot, Danao City, Cebu at Richel Vallejo Puno, 40 taong gulang, residente ng Ilaya, Talamban, Cebu City.
Nakuha ng Port Police mula sa dalawang suspek ang labing pitong .45 kalibre na baril at apat na .38 kalibre na rebolber. Ang mga nasabing baril ay pinaniniwalaang gawa sa lungsod ng Danao, kung saan may mga gumagawa ng baril na walang lisensiya o hindi rehistrado sa pamahalaan.
Kilala ang Danao dahil sa tinatawag na underground na paggawa ng mga baril at iba pang armas.
Nakatanggap ng ulat ang Cebu Port Authority na may magpupuslit ng mga baril papuntang Ozamis City na sasakay sa isang barko.
Dahil dito, inatasan ni Port Police Senior Inspector Alvin Merenillo ang mga intelligence officers na magmanman sa pantalan kasama sina Inspector Joffrie Rosell at Godwin Pilapil sa Port Police Operations Section.
Haharapin ng mga suspek, na naaresto bandang 6:00 ng gabi, ang kasong paglabag sa Republic Act 10591.
Ayon sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng naturang batas, ang paglabag nito ay may parusa na pagkabilanggo na hanggang tatlumpong taon.
(Eagle News Correspondent Irene Ramas Sino Cruz)