PLACER, Surigao del Norte (Eagle News) – Dalawang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na on duty ang tinangay ng mga armadong lalake sa Surigao del Norte nitong Lunes, ika-13 ng Nobyembre.
Nagpakilalang mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakasakay sa dalawang van ang huminto at nagpakilala sa dalawang pulis na sina PO2 John Paul Dovert at PO2 Alfredo Degamon habang nakaduty sa PNP outpost sa Bad-as, Placer bandang 1:30 p.m.
Puwersahang isinakay ang dalawang pulis na nakabase sa Placer Municipal Police.
Sa hindi kalayuang barangay ay nakita na ang abandonadong van na siyang sinakyan ng mga suspek na tumangay sa dalawang pulis.
Patuloy pang tinutugis ang kinalalagyan ng mga suspek ng magkasamang pwersa ng PNP at Philippine Army.
Samantala, inihayag naman ng Guerrilla Front Committee, na labing-anim sila na tumangay sa dalawang pulis, at kasalukuyang nasa BHB Custodial Force ang mga ito.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya at galit ang Philippine Army sa nangyaring pananangay.
Ayon kay Battalion Commander Lt. Col Allen Raymund Thomas ng Philippine Army, isang paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ang ginawa ng mga suspek.
Sumailalim na sa tactical interrogation ang dalawang driver na sina Benjie Besing, 56 taong gulang, at Donald Pitogo, 46 taong gulang ,na siyang nagmaneho sa dalawang van na sinakyan ng mga nagpakilalang CIDG.
(Eagle News Correspondent Jabes A. Juanite)