Apat na bagong patrol boats mula sa France, darating sa Pilipinas sa 2018

MANILA, Philippines (Eagle News) — Apat na brand new patrol boats mula sa France ang nakatakdang dumating sa bansa sa kalagitnaan ng 2018.

Ayon kay Coast Guard Spokesman Captain Armand Balilo, malaking tulong ang mga sasakyang pandagat mula sa French government upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa Philippine maritime borders, at maiwasan ang piracy at terorismo sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Maliban sa apat na patrol boats, isang mas malaking offshore patrol vessel para rin sa Philippine Coast Guard (PCG) ang sisimulan nang gawin ng French shipbuilder na OCEA na inaasahan na maide-deliver sa bansa sa Agosto 2019.

Una nang nagtungo sa France ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr) sa pangunguna ni Transportation Assistant Secretary Lino Dabi para inspeksyunin ang progress ng mga ginagawang sea vessels ng Coast Guard.

Taong 2014, nalagdaan ang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at France para sa procurement ng mga sea vessel na aabot sa halagang mahigit isang bilyong piso.

(Eagle News Service Jerold Tagbo)