Verified complaint vs CJ Sereno, isinumite ng isang abogado sa House panel

MANILA, Philippines (Eagle News) — Isang verified complaint ang isinumite ng isang abogado sa House justice committee laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Nais ni Atty. Eligio Mallari na maisama sa mga batayan ang kaniyang hawak na mga dokumento na magpapatunay na nakagawa ng culpable violation sa Constitution ang punong mahistrado kasama na ang graft and corruption at betrayal of public trust.

Ang tinutukoy ni Atty. Mallari sa kaniyang verified complaint ang naging sulat ng Philippine National Bank kay Chief Justice Sereno noong Feb. 8 2013.

Sumulat ang PNB sa punong mahistrado kaugnay sa dalawang kaso na mayroong kaugnayan sa lupain ni Mallari.

Nanalo si Mallari sa korte sa usapin sa dalawang lote na pinag-aagawan ng PNB at ni Mallari.

Dumulog ang PNB sa court of appeals at sa RTC na i-reverse ang decision.

Dumulog si Mallari sa Korte Suprema, pero ang paniwala ni Mallari dahil sa ginawamg sulat ng PNB kay Chief Justice Sereno hindi na umusad ang kaniyang petisyon.

Dito aniya nagkaroon ng problema sa integridad ang punong mahistrado.

Sabi naman ni Atty. Manuelito Luna, foul ang ginawa ng punong mahistrado dahil sinarili lamang ng punong mahistrado ang sulat at hindi idinulog sa Supreme Court en banc.

Sabi pa ni Atty. Luna isa itong seryosong bagay na dapat bigyan ng pansin ng kongreso na dumirinig kung may sapat bang batayan upang umusad ang impeachment complaint sa punong mahistrado ngayon.

Dapat din aniyang malaman bakit sumulat ang PNB sa Chief Justice at bakit hindi idinaan sa tamang proseso ang kanilang kahilingan.

Naniniwala naman sina Mallari at Luna na isang matibay na batayan sa usapin ng integridad ng punong mahistrado ang pagtanggap ng sulat mula sa PNB.

At umaasa sila na bibigyan ng panahon ang kanilang reklamo kaugnay sa gumugulong na impeachment proceedings ng Kamara laban kay Chief Justice Sereno.