Mahigit 7,000 katao, inilikas sa Caraga Region dahil sa bagyong “Vinta”

(Eagle News) — Lumaki pa ang bilang ng mga tao at pamilyang inililikas sa buong Caraga Region dahil sa bagyong “Vinta.”

Sa datos ng Office of Civil Defense (OCD-Caraga), lumobo pa sa 7,643 indibidwal at mahigit 1,600 na pamilya ang nasa 26 na mga evacuation center sa rehiyon.

Aabot naman sa 400 na mga pasahero ang stranded sa pantalan ng Lipata sa Surigao City.

Suspendido rin ang klase sa buong rehiyon kasama na ang pasok sa mga pampublikong tanggapan.

Kaugnay nito, mahigpit ang paalala ng provincial government ng Agusan Del Sur sa mga residente na makinig at sumunod sa direktiba ng mga kagawad ng disaster council upang makaiwas sa kapahamakan.

Samantala, nasa mahigit na 3,000 indibidwal mula sa iba’t-ibang bayan sa Compostela Valley ang nananatili ngayon sa mga evacuation center dahil din sa bagyo.

Nasa 15 pamilya naman ang na-rescue sa kani-kanilang tahanan na inabot na ng hanggang baywang ang tubig-baha mula naman sa umapaw na creek sa nasabing lugar.

Patuloy din ang monitoring ng mga otoridad sa Agusan River na nasa normal level pa naman sa ngayon.

Nakakaranas rin sa ngayon ng black-out sa ilang mga barangay sa lalawigan.

https://youtu.be/19-KVgqkooI