MANILA, Philippines (Eagle News) — Tuloy-tuloy ang ginagawang pag-iikot ng mga otoridad ngayong holiday sa Divisoria sa Maynila.
Puntahan kasi ng mga tao ang Divisoria lalo na tuwing Disyembre dahil sa mas murang mga bilihin.
Kaya naman ang mga pulis walang hinto sa pag-iikot para matiyak ang seguridad sa lugar.
Mga mamimili dagsa na sa Divisoria
Pili dito, pili doon, sukat dito sukat doon, ito ang sitwasyon sa Divisoria tuwing sasapit ang holiday season ng Disyembre.
Kaniya-kaniyang pili ang mga mamimili mula sa mga damit, sapatos, gamit sa tahanan maging ng mga dekorasyon, isama pa ang mga laruan at mga pagkain.
Sa kabila naman nang dagsa ng tao sa divisoria ayon sa ilang negosyante ay matumal pa rin ang benta.
Si Sam na halos labing-limang taon ng tindero sa Divisoria, malaki aniya ang kaibahan ng kanilang benta kumpara noong nakaraang taon.
Ikalawang linggo pa lamang aniya noong nakaraang Disyembre ay marami na silang benta.
Sabi ni aling Letlet na halos tatlong taon ng nagtitinda sa lugar, hanggang tingin lang ngayon ang mga tao at hindi naman bumibili.
Pero umaasa pa rin daw siya na bago matapos ang taon ay dadagsa ang mga mamimili dahil kaugalian ng mga Pilipino ang last minute shopping.
(Eagle News Service Erwin Temperante)
https://youtu.be/pUdquIfnDbc