MANILA, Philippines (Eagle News) — Para maiwasang tumaba dahil sa masasarap na pagkaing ihahain ngayong holiday season, inilunsad ng Department of Health ang ‘Baywang watch’.
Makatutulong daw ito para mahikayat ang ating mga kababayan na isama sa kanilang ihahanda ang masusustansyang pagkain at iwasang kumain ng mga pagkaing makakasama sa inyong puso, atay at baywang.
Batay umano sa isang pag-aaral, ang timbang na nadagdag sa atin sa mga okasyon tuwing Disyembre ay siya na ring magiging timbang natin para sa susunod na taon.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Eric Tayag, dapat ay pakiramdaman ang katawan para malaman kung ilang beses kailangan kumain.
Iwasan din aniya na maghanda ng sobra-sobra para hindi mapilitang ubusin, ang lalabis naman aniya ay maaaring ipamahagi sa kapit-bahay.
Nagbabala naman ang DOH sa panganib na maaaring idulot ng pag-inom ng inuming nakalalasing at pagkatapos ay magmamaneho. Pinaalala rin ng DOH ang pag-iwas ukol sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok.
https://youtu.be/iO-xxaI72q0