UN, EU handang magpaabot ng tulong sa nasalanta ng bagyo at iba pang trahedya

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Nakahanda ang United Nations (UN) na tumulong sa mga biktima ng bagyong “Vinta” sa Mindanao.

Ipinarating ni UN Secretary General Antonio Guterres ang kanyang pakikiramay sa libu-libong naapektuhan ng kalamidad.

Ayon kay Guterres, hiling niya ang mabilis na pagbangon ng mga biktima mula sa trahedya.

Sinaluduhan din ng Secretary General ang mga pagkilos na isinasagawa ng rescue and recovery teams at maging ng mga volunteers sa kabila ng mga mahihirap na sitwasyon.

Ayon sa UN, handa ang kanilang organisasyon na tumulong sa mga lokal at pambansang pamahalaan bilang dagdag sa suportang ibinibigay na ng kanilang humanitarian partners.

EU, tutulong din sa mga biktima ng trahedya at kalamidad

Nag-alok ng tulong sa Pilipinas ang European Union para sa mga biktima ng trahedya at kalamidad ngayong holiday season.

Ayon kay EU Ambassador to the Philippines Franz Jessen, handa silang magsagawa ng humanitarian assistance o magpadala ng development funds sa bansa matapos ang pananalasa ng bagyong Urduja at bagyong Vinta.

Nakalulungkot aniyang maraming buhay ang nasawi habang naghahanda para sa pagdiriwang ng holiday.

Partikular na tinukoy ng EU ang mga biktima ng pananalasa ng bagyong Vinta at Urduja maging ang sunog sa NCCC Mall sa Davao City at paglubog ng isang motor banca sa Quezon Province.

https://youtu.be/yHm5IcSjLFQ