Zero-casualty sa indiscriminate firing, naitala ng PNP

MANILA, Philippines (Eagle News) — Zero-casualty incident sa indiscriminate firing ang naitala ng Philippine National Police (PNP) sa nakalipas na holiday season.

Ayon kay PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, walang naitalang nasawi dahil sa mga ‘stray bullet’ mula December 16, 2017 hanggang alas-dose ng tanghali ng January 1, 2018.

Nakapagtala rin ng all-time low record ang PNP sa bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok.
Sa tala ng Department of Health (DOH), mas mababa ito ng 68% kumpara noong nakaraang taon.

Paliwanag ni Dela Rosa, naging epektibo ang kampanya ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabawasan ang bilang ng mga nasusugatan dahil sa paggamit ng paputok, lalo pa ng ilegal na pagpapaputok ng baril.

Aniya, malaki ang naitulong na Executive Order No. 28 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang malawakang deployment ng mga pulis sa buong bansa sa bisperas ng bagong taon.

Naging matagumpay din aniya ang ginawang information drive at kaunting pananakot ng mga miyembro ng PNP sa publiko na huhulihin sila sakaling maaktuhang nagpaputok ng illegal firecrackers at baril.

Sa tala ng PNP, aabot sa 26 indibidwal ang naaresto ngayong taon dahil sa indiscriminate firing, kung saan apat sa mga ito ay miyembro ng police force at dalawa naman ang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

https://youtu.be/9DYUnQdQYWY