Mga kaanak ng isang Pilipina na brutal na pinaslang sa California, nanawagan

Ni Elmie Ello
Eagle News Service

RIZAL, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Nalaman lamang ng ama ni Blessel Lyn Santiago Ong na patay na ang kaniyang anak nang may natanggap siyang mensahe mula sa kaibigan ng kanilang anak na nakabase sa Estados Unidos.

Si Ong na taga Rizal, Zamboanga del Norte ay natagpuang patay kamakailan.

Pangunahing suspek ang kaniyang mister na si Albert Ong, na nagpakamatay umano pagkatapos isagawa ang krimen.

Ayon kay Mansueto Santiago, natanggap nila ang huling mensahe ng kaniyang anak na babae noong Disyembre 24, 2017.

Nagpahayag umano si Ong na namimiss na niya sila.

Pagkatapos noon ay wala na silang naging komunikasyon.

Noong Disyembre 31 ay nakumpirma na ni Santiago na totoo ang kumakalat na balita ukol sa sinapit ng anak at sa mister nito.

Hinihinala ni Santiago na selos ang dahilan ng pagkapatay sa kaniyang anak.

Ayon sa kaniya, dati na raw nag-aaway ang mag-asawa noong nasa Pilipinas pa ang mga ito.

Samantala, hangga’t nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa motibo ng pagkakapaslang sa kaniyang anak ay humihingi ngayon ng tulong sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga magulang ng biktima para maiuwi na  kaniyang tirahan sa Rizal, Zamboanga del Norte ang bangkay ng biktima.

Wala anila silang sapat na pera na panggastos sa transportasyon sa bangkay ng anak.

Humihingi na rin ng  tulong ang mga ito kay Presidente Rodrigo Duterte.

(Eagle News Service)