MANILA, Philippines (Eagle News) – Nag-viral sa internet ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nawalan ng pera sa kaniyang bank account gayong hindi siya nag wi-withdraw o gumastos sa pamamagitan ng ATM.
Nagreklamo ang 35 anyos na si Michico Marzo matapos mawala ang mahigit Php 19,000 sa anim na transaksyon noong Disyembre 2017.
Ayon sa Banco de Oro, iniimbestigahan na nila ang mga ganitong kaso lalo na ang mga kahina-hinalang withdrawals.
Pero ayon sa mga eksperto, ang ganitong mga kaso ay bunga rin ng tila pagiging adik at pagiging dependent na sa internet.
Ang hindi raw alam ng mga internet user, ginagamit na rin ito ng mga masasamang loob para makapagnakaw.
Ayon kay President Rey Lugtu ng Engage Philippines, Regional Digital Company, kung magba-browse at gagamit ng social media account pero hindi naman kailangan ang video call, mas mabuti raw na takpan ang camera ng inyong telepono o gadgets.
Ito’y para hindi ma-access o mamonitor ng mga hackers ang anumang aktibidad ng gumagamit nito.
Iwasan rin daw ang pagda download ng iba’t-ibang application na hindi naman kailangan.
Nagagamit raw kasi ito ng mga hacker para ma-access ang anumang importanteng impormasyon na naka save sa anumang telepono o gadgets lalo na kapag naka-konekta na sa internet.
Ngayong Enero, nakatakda namang magtungo sa Metro Manila ang Cyber Security Expert na si Marc Goodman para bigyan ng impormasyon tungkol sa paano mapro-protektahan ang publiko laban sa cyber hacking.
(Meanne Corvera, Eagle News Service)