MANILA, Philippines (Eagle News) — Kokontrolin na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tourism activities sa El Nido, Palawan.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, ito ay upang mapangalaan at maprotektahan ang mayaman na biodiversity ng nasabing isla.
Kaugnay nito, inatasan ng kalihim ang mga opisyal ng DENR-MIMAROPA na ilagay ang El Nido bilang “priority area”.
Kasunod ito ng mga ulat na nahaharap ang El Nido sa problema na may kaugnayan sa kalidad ng tubig, biodiversity loss, pagbaha at laganap na pagdami ng mga informal settler, business establishments at mga istraktura na walang permit.
Sabi ni Cimatu, tutugunan ng ahensya ang mga nasabing problema at gagawing prayoridad ang malinis na tubig at hangin at solid management.
Batay sa 2016 report ng El Nido Municipal Tourism Office, tumaas ng mahigit 30 porsyento taun-taon sa nakalipas na tatlong taon ang tourist arrival sa El Nido.
Nasa dalawandaang libong turista rin ang naitalang bumisita sa nasabing isla.
Ayon naman kay DENR-MIMAROPA Regional Director Natividad Bernardino, ayaw nilang kaharapin ng El Nido ang problemang kinakaharap ngayon ng Boracay.
Isang resolusyon aniya ang ipinasa ng Protected Area Management Board ng El Nido-Taytay Protected Area na naglilimita sa pagpasok at aktibidad ng mga turista sa Top 3 most visited place sa El Nido, ang Big Lagoon, Small Lagoon at Secret Beach.
Ipinagbabawal na rin ng DENR ang mga aktibidad gaya ng fishing, cliff jumping, pag-iihaw ng pagkain at pagpapatugtog ng malalakas na musika sa nasabing tatlong spots.
Mga establisimiento sa El Nido, iinspeksyunin ng DENR
Iinspeksyunin din ng DENR ang mga establisyimento sa mga susunod na buwan para matiyak na sumusunod sila sa disposal ng solid at liquid waste.
I-momonitor din ng ahensya ang air at water quality sa nasabing isla.
Umaasa naman ang ahensya na mauunawaan ng publiko ang mga nasabing regulasyon para na rin maingatan at maprotektahan ang natural na ganda ng El Nido.
(Eagle News Service April Dezeata)