MANILA, Philippines (Eagle News) — Umapela ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na iwasan ang pagkakalat ng impormasyon sa text messages at social media ukol sa mga prediksyon ng lindol.
Ito ay dahil sa kumakalat sa social media ukol sa di umano’y intensity 7.1 na lindol na mararanasan sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Quezon at Rizal.
Samantala, hinimok naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang publiko na tignan ang kanilang official website at Facebook account para sa tamang impormasyon.
Nagpaalala rin ang PHIVOLCS na hindi pa ganap ang abilidad at wala pang teknolohiya na makapag-sabi kung kailan mangyayari ang lindol.