(Eagle News) – Bubusisiin na sa Kamara ang umano’y kakapusan ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa merkado at kakaunting buffer stock.
Noong Pebrero, inihain ni House Committee on Agriculture Chairman Jose Panganiban, Jr. ang resolusyon para imbestigahan ang ulat na umamin ang NFA na mayroon itong mahigit sa 65,000 metriko toneladang bigas na buffer stock na tatagal na lamang ng dalawang araw.
Isinaad ni Panganiban sa resolusyon na ang mandato ng NFA ay magkaroon ng buffer stock ng bigas na tatagal nang 15 araw. Ayon sa mambabatas, uusisain nila ang ugnayan ng NFA at NFA council.
Sinabi ng mambabatas na maanomalya na hindi kasama ang kalihim ng Department of Agriculture sa NFA council.
Ayon kay Panganiban, ang NFA council ay binubuo ng mga kinatawan ng Department of Finance, Department of Trade and Industry, Development Bank of the Philippines at Land Bank.
https://www.youtube.com/watch?v=S6ZmuwPseqc&feature=youtu.be