MANILA, Philippines (Eagle News) — Bagaman nagpatupad na ng total ban sa deployment ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) sa Kuwait, nangangamba pa rin ang minority bloc sa Kamara sa posibleng patuloy na pag-abuso sa ating mga kababayan ng mga illegal recruiter.
Ito ay matapos na payagan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ibang OFWs na bumalik sa kanilang mga kumpanya sa Kuwait partikular na ang mga nagbakasyon lang sa bansa at ang mga may maayos na trabaho doon.
Ayon kay ACTS OFW Partylist Representative John Bertiz, kailangan magpatupad ng matinding screening upang matiyak na hindi ito magagamit ng mga iligal na recruiter at iba pang tiwaling opisyal ng mga kaukulang ahensya.
Nanawagan din ang minorya sa Kamara na bumuo ng joint task force ang DOLE, Philippine Overseas Employment Administration, Department of Foreign Affairs, National Bureau of Investigation at Philippine National Police na magmomonitor sa mga OFW na patungong Kuwait.
Tiniyak naman ni House Minority Leader Danilo Suarez na papapanagutin ang mga kaukulang opisyal ng gobyerno na mapapatunayang nagpabaya na nagresulta sa pagmamaltrato sa mga OFW.
Sa nakalipas na mga araw, nasa 2200 OFWs mula sa Kuwait ang nagpasyang bumalik sa bansa sa pamamagitan ng tulong ng ilang airline companies na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa datos ng DFA, may mahigit 250,000 OFWs sa Kuwait at 170,000 sa mga ito ay domestic helpers.
Ang 10,800 naman sa kanila ay pawang “undocumented.” Eden Santos
https://youtu.be/wnHWUR4dZS4