MANILA, Philippines (Eagle News) — Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa publiko sa pagpasok ng bagong uri ng iligal na droga sa bansa.
Ayon sa NBI, nag-iisip ng iba pang illegal drugs ang mga sindikato na wala o hindi pa kasama sa listahan ng itinuturing na ipinagbabawal na gamot sa bansa gaya ng kush o high grade marijuana na diskubre ng NBI Special Action Unit matapos isagawa ang isang buy-bust operation sa Las Pinas City.
Sa operasyon ay nahuli ang dalawang suspek na kinilalang sina Arlan Eugenio at Alvin Quiano.
Sa pagaaral ng NBI wala pang tanim ng kush sa bansa at ang nakakatawag pansin, galing umano sa Muntinlupa ang kush na nakuha sa mga suspect.
Dalawang beses anilang mas malakas ang epekto ng kush o cannabis kung ikukumpura sa karaniwang marijuana mula sa Pilipinas.
Dahil sa bagong banta ng sindikato sa pagpapasok ng mga bagong iligal na droga sa bansa, agad anilang makikipag-ugnayan ang NBI sa lahat ng ahensya ng pamahalaan gaya ng Philippine Drug Employment Agency (PDEA) upang matiyak na lalo pang magiging matatag ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Patuloy namang pinaghahanap ang nakatakas na suspek sa buy-bust operation na si Adrian Cristobal. Erwin Temperante