(Eagle News) — Dahil sa napipintong pagpapasara ng Boracay Island, naghahanap na ngayon ng iba pang summer destination ang pamahalaan upang mai-alok sa mga turistang magtutungo sa Pilipinas.
Isa na rito ang Guimaras Island na hindi lang pala kilala sa matamis at masarap nitong mangga, kundi pati na sa magaganda nitong dalampasigan.
Ang Guimaras Island ay kilala sa buong mundo bilang exporter ng pinakamasarap na mangga.
Subalit kapag ganitong tag-init, sikat rin ang Guimaras dahil sa mga maipagmamalaki nitong white sand beach.
Pwede ring mag-island hopping upang libutin ang maliliit na isla, o puntahan ang snorkeling area.
Upang makapunta sa Guimaras ang isang taga Metro Manila, maaaring sumakay ng eroplano mula NAIA patungong Iloilo.
Mula naman sa Iloilo ay sasakay ng barge o kaya’y pampasaherong speed boat patungong Guimaras.
Mula sa port terminal, may mga bumibiyaheng pampasaherong jeep patungo sa inyong destinasyon.
Pwede ring gawing adventure ang pagsakay sa jeep, dahil pwedeng sumakay sa ibabaw ng bubong nito, dahil ang mga jeep dito ay dinisenyo hindi lang para sa mga pasaherong sasakay sa loob, kundi pati na sa mga gustong umupo sa bubong.
Sa unang tapak mo pa lang sa dalampasigan ay mapapansin mo na ang magandang buhangin at napakalinaw na tubig-dagat.
Ito ang dahilan kung kaya’t dinadagsa ito ngayon hindi lang ng ating mga kababayan, kundi pati na ng mga dayuhan.
(Eagle News Service Nelson Lubao)