MANILA, Philippines (Eagle News) — Hinamon ng People for Power coalition ang Energy Regulatory Commission na isapubliko ang listahan ng isandaang Power Supply Agreements (PSA) na kanilang inaprubahan.
Pangamba kasi ng koalisyon na baka kasama sa naaprubahan ang pitong mga PSA na pinasok ng Meralco at sister companies nito na posibleng magresulta sa napakataas na presyo ng kuryente.
Bukod sa mataas na presyo ng kuryente ay magdudulot din umano ang mga coal power plant na ito ng panganib sa kalusugan at kapaligiran dahil sa polusyong dala ng mga ito sa oras na magsimula ang kanilang operasyon.
Kasabay nito, pinasisibak nila nang tuluyan sa puwesto kay Pangulong Rodrigo Duterte ang apat na suspendidong commissioners ng ERC.
Kabilang sa pinasisibak kay Pangulong Duterte sina ERC Commissioners Alfredo Non, Gloria Yap-Taruc, Josefina Patricia Magpale-Asirit at Geronimo Sta. Ana na umano’y napatunayang nakipagsabwatan at pinaboran ang Meralco sa pamamagitan ng hindi pagsa-sailalim sa mga ito sa competitive selection process (CSP).
Ayon sa P4P Coalition, dapat tuparin ni Pangulong Duterte ang pangako nito na wala siyang palalagpasin sa mga opisyal ng ERC na mapapatunayang sangkot sa katiwalian.
Ngayon araw, nakatakda naman susugod sa tanggapan ng ERC ang mga ito para igiit ang pagsasapubliko ng inaprubahang mga PSA at ang pagpapalayas sa mga tiwaling opisyal ng komisyon. Eden Santos