Jerold Tagbo
Eagle News Service
Naglunsad ang Department of Health ng Ligtas Tigdas program upang mabigyan ng proteksyon ang mga bata sa tigdas.
Sa tala ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), mula noong Enero 1 hanggang noong Abril 15 ngayong taon, pumalo na sa mahigit 5,000 kaso ng measles o tigdas ang narekord sa buong bansa.
Sa naturang bilang, 905 ang kumpirmadong kaso habang labing lima ang namatay.
Sa 15 nasawi, 13 sa mga ito ang natuklasang hindi nabakunahan.
Ang natitira ang hindi matiyak kung nakumpleto ba o hindi ang doses ng bakuna.
Ayon sa DOH, ang target ng programa ay ang mga nasa edad 6 na buwan hanggang bago mag-limang taong gulang, na karaniwang biktima ng tigdas.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, ngayon hanggang sa Mayo 24 sisimulan ang pag-iikot ng mga health worker sa mga barangay sa buong Metro Manila para magbakuna ng libre kontra tigdas sa ilalim ng programa.
Sa Mayo 9 naman hanggang Hunyo 18, aarangkada ang isang buwan na catching-up vaccination ng DOH sa Mindanao.
“As we launch the Ligtas Tigdas campaign here in the Metro Manila, we hope to reach all parents/caregivers and guardians emphasizing the life-saving benefits of measles vaccination. We call all parents/caregivers to allow their children ages 6-59 months to be vaccinated starting April 25 to May 24, 2018 for National Capital Region (NCR) and on may 9 to June 8, 2018 for Mindanao,” ani Duque.
Noong huling quarter ng 2017, nagsimulang tumaas ang bilang ng mga tinamaan ng tigdas kasabay na rin ng pagputok sa kontrobersyang dala ng Dengvaxia.
Una nang inamin ng DOH na isa ang Dengvaxia controversy sa mga dahilan kung bakit marami sa mga magulang ang takot na pabakunahan ang kanilang mga anak laban sa tigdas at iba pang sakit.
Pero muling iginiit ni Duque na napunatayan nang ligtas ang mga bakuna kontra tigdas at matagal na rin itong ginagawa ng kagawaran.
“I would like to reiterate to the public, especially to the parents/guardians, that the measles vaccine is safe and we have been doing this since the 1970s. Measles vaccination has saved millions of lives. Let us all protect the health of all Filipino children through vaccination against measles,” pahayag ng opisyal.