(Eagle News) — Pinag-aaralan ni Senador JV Ejercito na muling paamyendahan ang Sangguniang Kabataan reform law.
Sa harap ito ng ulat na kakaunti ang mga kabataang lumahok at naghain ng kanilang certificate of candidacy para sa barangay at SK elections sa susunod na linggo.
Ito’y kahit pa itinaas na ang threshold o edad ng mga kabataang maaaring tumakbo sa SK elections.
Nangangamba si Ejercito na sinadya ng ilan na huwag kumandidato sa SK dahil sa probisyon ng anti-political dynasty.
Sakaling wala kasing kandidato sa isang lalawigan o barangay, maaaring mag-appoint na lamang ng kinatawan ang local government officials.
“Well yan ang malungkot, we just have to leave sa ngayon ang mag step-up dyan local government magkakaroon sila ng youth office pero hindi sila elected nag-appoint na lang ang mayor ng youth representative walang official plantilla,” pahayag ng senador.
Sabi ni Ejercito, kung i-aappoint ang SK officials, hindi magiging aplikable ang batas sa anti-political dynasty dahil hindi naman elected ang maitatalagang SK officials.
Sa ilalim aniya ng ng SK reform law, mahigpit na ipinagbawal ang pagtakbo ng isang kandidato na may kamag-anak na sa gobyerno hanggang sa second degree of consanguinity.
Sakop nito ang magulang asawa o anak ng isang kandidato.
“Yun ang magiging dilemma sa mga area na walang kumandidato SK officials, baka mamaya magkaroon ng appointee na mga kamag-anak sana huwag, maliwanag naman,” ayon kay Ejercito.
Kung talaga aniyang ganito pa rin ang magiging sistema, isusulong ng senador ang tuluyang pag abolish sa SK elections.
Bagamat nakakalungkot aniya ang ganitong sistema dahil ang mga kabataan ang itinuturing na pag-asa ng bayan, wala silang magagawa kundi ipabuwag dahil nagagamit na rin ang SK sa mga katiwalian.
“Sa tingin ko, lalo ngayon, this day of millennial mas kinakailangan natin na magkaroon ng government arm through the SK na talagang magbibigay ng direksyon at hopefully i-train ang mga government leaders,” ayon sa opisyal. Meanne Corvera