(Eagle News) — Matapos ang nangyaring fish kill sa Obando, Bulacan, isa na namang insidente ng fish kill ang naiulat sa Pontevedra, Negros Occidental.
Ayon sa Environment Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nakita nila ang polusyon sa mga fish pen sa lugar.
Sa ngayon, isinagawa na ang water sample analysis sa mga fish pen, gayunman, hindi pa nila matiyak kung ano ang naging resulta nito.
Ang water sample analysis ay inendorso na anila sa Pollution Adjudication Board sa Maynila para sa karagdagan pang pagsusuri.
Nito lamang nakaraang lingo ay isang fish kill din ang tumama sa Obando, Bulacan kung saan nasa 250 toneladang bangus, tilapia at iba pang isda ang apektado.
Sa pagtataya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3, nasa 17.5 milyong piso ang naging pinsala ng nasabing massive fish kill.