Iligal na paglabas ng mahigit 100 containers mula sa Port of Manila, inimbestigahan ng Kamara

(Eagle News) — Nagsimula na ang imbestigasyon ng Kamara sa umano’y iligal na paglabas ng mahigit 100 containers mula sa Port of Manila.

Batay sa inihaing House Resolution Number 1824 ni Sultan Kudarat Representative Horacio Suansing Jr., ang paglabas sa Port of Manila ng 105 containers ay paglabag sa Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.

Sa isinagawang imbestigasyon ng House Committee on Ways and Means ay lumitaw na bago pa man nailabas sa Port of Manila ang nasabing mga container na ang iba ay naglalaman ng ceramic tiles ay nag-isyu na ng manual alert order si Customs Commissioner Isidro Lapeña noong Marso 13, 2018 para sa mga ito.

Pero inilabas pa rin ng Asian Terminals Incorporated (ATI) ang mga container ng walang permiso mula kay Lapeña kundi tanging dokumento na may pekeng lagda ng ilang opisyal ng BOC.

Depensa naman ng ATI, sinunod nila ang lahat ng proseso partikular na sa usapin ng 105 containers at nagsagawa rin sila ng kanilang sariling imbestigasyon.

Kinuwestiyon naman ng ilang kongresista ang mga ipinalabas na manual alert order ng BOC sa halip na gumamit ng electronic alert upang naiwasan sana ang pangyayari.

Maging ang naging batayan ni Lapeña sa pag-iisyu ng manual alert order at kung sino ang nag-request ng mga ito ay naungkat din ng mga kongresista.

Tiniyak naman ng mga opisyal ng BOC na wala silang itinatago sa komite subalit may mga bagay na hindi nila kayang sagutin.

Hindi naman sumipot sa komite si Lapeña na kasalukuyang nasa bansang Fiji.Eden Santos