(Eagle News)— Nasa mahigit 30 na establisimyento sa El Nido, Palawan ang inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sapilitang buwagin dahil sa hindi umano nilang pagsunod sa 30 araw na abiso ng ahensya na tanggalin ang kanilang mga istraktura.
Ayon kay Natividad Bernardino, DENR regional director ng Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan) binigyan nila ng isang buwan ang 32 establisimyento na iligal na nakatayo sa water easement zone ng Bacquit Bay ngunit hindi sila nakatugon.
Ang local government unit (LGU) ng El Nido ang inatasan ng DENR upang isagawa ang pagwasak sa mga nasabing establisimyento.
“Wala naman pong extension ang pagpapatupad ng batas. Kung may mga paglabag, kailangan itong aksyunan sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Bernardino.
Dagdag pa ni Bernardino na halos dalawang buwan na ang nakakalipas simula noong una silang naglabas ng abiso upang iwanan na ng mga negosyante ang kanilang mga istraktura na nakatayo sa tatlong metrong easment zone.
Sa kanyang paglalahad, tatlo pa lamang daw ang sumunod sa palugit na ibinigay ng DENR. Lima mula sa kabuuang bilang ng binigyan ng abiso ay wala raw ginawang aksyon, habang ang iba naman ay nasa proseso pa rin ng pagkumpleto sa demolisyon.
Papayagan ng DENR ang unang pangkat na binigyan nila ng abiso sa mga barangay ng Buena Suerte at Masagana upang kumpletuhin ang kasalukuyan nilang ginagawang paggiba sa kanilang mga istraktura.
Ayon pa kay Bernardino, na ang tanging natitirang isyu sa pagpapatupad ng sapilitang demolisyon ng LGU El Nido ay ang pangangailangan nila sa mga mabibigat na kagamitan.
“Hiniling ko ang tulong ng pamahalaang panlalawigan upang ibigay ang mga kinakailangang kagamitan sa El Nido upang magawa nila ang sapilitang demolisyon sa mga establisimyentong hindi pa nakakasunod,” giit ni Bernardino.
Kamakailan lamang ay humingi ng palugit ang mga negosyanteng may-ari ng establisimyento na bigyan sila ng hanggang Hulyo upang tanggalin ang kanilang mga istraktura.
Ngunit hindi ito pinayagan ng DENR.
“Our payback to nature is long overdue,” sagot ni Bernardino. Jodi Bustos