Training sa AFP reserve command, gaya rin ng karaniwang sundalo

Mar Gabriel
Eagle News Service

Iba ang karaniwang eksena sa headquarters ng AFP reserve command sa Kampo Aguinaldo tuwing araw ng Sabado.

Ito kasi ang itinakdang araw ng kanilang training bilang mga laang kawal o reserve force ng AFP.

Kasama na rito ang Basic Citizen Military Training at Humanitarian Assistance and Disaster Response.

Sumasailalim din sila sa Combat Lifesaver course na ginagawa ng mga regular na sundalo.

Sa kasalukuyan aabot sa 300,000 ang miyembro ng AFP Reserve Command pero nasa 140,000 lang dito ang nasa kategoryang Ready Reserve Force.

Malayo pa ito sa target ng AFP na magkaroon ng hanggang sa lima hangang anim na raang libong reserve force sa buong bansa.

Isa sa mga nakikitang hakbang ng AFP para mapunan ito ay ang tuluyang pagbabalik ng mandatory Reserve Officer Training Course (ROTC).

Pero habang hinihintay ang pagbabalik ng ROTC, patuloy na hinihikayat ng AFP ang mga kwalipikadong sibilyan na sumali sa reserve command.

Una dapat ay Filipino citizen, physically fit at cleared sa lahat ng national law enforcement agency sa bansa.

Para mas makahikayat pa ng mas maraming volunteers, isinusulong ng AFP ang pagsasabatas ng Reservist Employment Right na poprotekta sa mga kasamahan nilang empleyado.

Welcome din sa reserve force ang mga professional na maaaring maging mga commissioned officer.

Gaya na lang nina Charmie Patling na isang registered nurse at si Lt. Col. Jessica Lacson-Hizon na isang abugada at tumatayong Vice President for Legal ng isang kompanya.

Sa ngayon walang tinatanggap na anumang sweldo ang mga reservist ng AFP maliban na lamang kung tawagin sila para sa active duty gaya ng mga ipinadala noon sa Marawi City.