(Eagle News)– Puspusan na ang ginagawang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa nalalapit na pasukan sa susunod na Lunes, Hunyo 4.
Ayon sa direktiba ni PNP Chief Dir. Oscar Albayalde, dalawang PNP personnel aniya ang dapat na naka-deploy sa bawat eskwelahan at isang police assistance desk ang nakalagay sa bawat school clusters.
Simula pa lamang sa Sabado, Hunyo 2, ay naka-alerto na ang mga kapulisan upang tiyakin ang seguridad ng mga estudyanteng magbabalik paaralan.
Bukod sa mga pangkaraniwang reklamong natatanggap ng mga pulis sa tuwing magsisimula ang unang araw ng pasukan ay maaari na ring isumbong sa police assistance desk ang mga insidente ng pambu-bully lalong-lalo na sa mga bata.
“Kung meron talagang mag complain sa kanila with regard to bullying, pwede nilang ientertain ‘yun kasi that is part of their duty,” pahayag ni Albayalde.
Talamak rin ang insidente ng mga nakawan sa tuwing magbubukas ang pasukan, kung saan ang madalas na nabibiktima ay mga estudyante.
Dahil dito, nagpaalala si Albayalde sa mga kabataan na mag-ingat at huwag maglabas ng mahahalagang gamit lalo na kapag nasa kalsada.
“Unang-una they should refrain from using their cellphones at huwag ilalabas-labas yan. ‘Yun kasi ang madalas na nai-snatch sa kanila, nasa kalsada sila text sila ng text,” payo ni Albayalde.
“Iwasan ring maglabas ng mga valuables o magsuot ng kung ano-ano sa katawan, dahil ‘yan ang source of snatching,” dagdag pa nito.
Samantala, alerto rin ang PNP sa mga magtatangkang magbenta ng mga ipinagbabawal na droga sa mga eskwelahan. Kadalasan kasi sa mga nagiging biktima ay mga kabataan na ginagawang courier ng droga. Jodi Bustos