Kapitan sa Batangas arestado matapos mahulihan ng mga iligal na baril

STO.TOMAS, Batangas (Eagle News) – Sinalakay ng Regional Special Operations Group at SWAT Calabarzon kasama ang Sto. Tomas PNP ang bahay ng isang incumbent at re-elected Brgy. Chairman ng Brgy. Sta Clara, Sto. Tomas, Batangas nitong Martes, Mayo 29 bandang 5:00 ng umaga.

Dala ang search warrant, maaga pa lamang ay nagtungo na ang mga otoridad sa tahanan ni Kapitan Jay Monterola upang halughugin at hanapin ang mga hindi lisensyadong baril na nasa pag-iingat nito.

Pagdating ng mga pulis sa bahay ng suspek ay nadatnan rin nila doon ang dalawa pang brgy. tanod na kinilalang sina Crizaldo Castillo at Samuel Gordora, pinaniniwalaang private armed group ng kapitan.

Nakuha mula sa tahanan ni Monterola ang isang pirasong carbine riffle caliber 30, dalawang magazine ng nasabing baril na may 56 na live bullets, dalawang pistol caliber 45 at anim na magazine nito, at 43 caliber 45 na live ammos.

Nagpaalala naman si PCSupt. Guillermo Eleazar, Police Regional Director ng Calabarzon sa mga bagong halal na opisyal na dapat makita sila sa pagiging huwaran.

“Dapat maging huwaran ang mga bagong halal na opisyal ng barangay lalo na’tpinagkatiwalaan sila ng kanilang mga kababayan,” pahayag ni Eleazar.

(Report and Photos courtesy Ghadzs Rodelas, Eagle News Correspondent- Batangas)