16 sundalo at 2 sibilyan na nakipagbakbakan sa Marawi, pinarangalan ng AFP

Photo courtesy AFP Public Affairs Office.

(Eagle News)– Binigyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng natatanging pagkilala ang 16 na militar at dalawang sibilyan na limang buwang nakipagbakbakan laban sa mga teroristang Islamic State-inspired Maute Group na kumubkob sa Marawi City noong nakaraang taon.

Pinangunahan ni AFP Chief-of-Staff Gen. Carlito Galvez Jr. ang pagsasabit ng medalya sa mga matatapang na sundalo.

Kabilang sa mga nabigyan ng Gold Cross Medal ay sina Major Ryedel Reynaldo C. Cabugon, 1st Lt. Brian B. Palencia, Pfc. Enrique B. Macinas at Pfc. Dondon M. Onsar, na mula sa Philippine Army (PA); Major Michael G. Rabina, Staff Sgt. Ronaldo A. Suarez, at si Staff Sgt. Glenn B. Grafa, na mula naman sa Philippine Air Force (PAF); at sina 1st Lt. George N. Galzote at 1st Lt. Jobert D. Jude ng Philippine Marine Corps (PMC).

Silver Cross Medal naman ang isinabit kay Lt. Col. Julius B. Buyucan ng Philippine Marines.

“Lalong naging espesyal ang araw na ito dahil sa presensya ng mga kapwa nating sundalo na nagdala ng malaking karangalan sa pamamagitan ng kanilang kapuri-puring serbisyo, hindi lamang sa organisasyon, kundi pati na sa buong bansa,” pahayag ni Galvez.

Ang Meritorious Achievement Medal naman ay iginawad kina Col. Ferdinand L. Torres ng PAF, Col. Consolito P. Yecla, Col. Alex S. Rillera, Lt. Col. Edgardo V. Talaroc Jr., at kay Major Benjamin D. Cadiente Jr., na mula naman sa PA.

Samantala, tinanggap naman ni Col. Raul V. Bautista na mula sa PA ang Command Plaque, habang ang mga sibilyan naman na mula sa AFP general headquarters na sina Emma B. Sicar, at Kyle Kritoffer S. Salongcay ay binigyan ng Chief of Staff Commendation Medal.

“Wala na akong ibang mahihiling pa kung hindi ang makasama ang ating mga sundalo sa pagdiriwang ng kanilang mga tagumpay. Nagbibigay ito sa akin nang mataas na karangalan at kagalakan na masaksihan ang ating mga kalalakihan at kababaihan na mapagpakumbabang tinanggap ang produkto ng kanilang walang pag-iimbot, pangako, pagtatalaga at pagtitiyaga,” dagdag pa ni Galvez.

Ayon naman kay AFP public affairs office chief, Col. Noel Detoyato, karamihan sa mga nabigyan ng pagkilala ay nakapag-ambag ng mga natatanging bahagi sa tagumpay ng liberasyon ng Marawi mula sa mga teroristang Maute noong nakaraang taon, ito man ay sa mga operasyon ng labanan o hindi.

Ang iba naman na pinarangalan ay mayroon ring katangi-tanging pagganap sa pagpapaunlad ng patakaran, at nakatulong sa pagsulong ng kanilang organisasyon.

“Marami na ang sakripisyong ibinigay ng ating mga Pilipinong sundalo at sibilyan, kaya naman ang simpleng pagkilala ay nangangahulugan ng malaki para sa kanila. True to what they say, no one can defeat an inspired heart and soul,” giit ni Galvez. Jodi Bustos