Drug suspek patay matapos manlaban sa isang buy-bust operation sa Lemery, Batangas

LEMERY, Batangas (Eagle News) – Patay ang isang lalaki matapos itong manlaban sa ikinasang buy bust operation ng Philippine National Police (PNP) sa Brgy. Mahabang Sahilig, Lemery, Batangas, madaling araw ng Martes, Mayo 29.

Kinilala ang suspek na si Salvador Radam alyas “Nonoy”.

Ayon kay PSSupt. Edwin A. Quilates, Officer-in-Charge ng Batangas Police Provincial Office, nakatunog umano ang suspek na pulis ang kaniyang katransaksyon kaya agad itong tumakas sakay ng isang dilaw na honda civic na may plakang WEY 835.

Ngunit kaagad naman itong nasakote ng iba pang rumespondeng miyembro ng Lemery PNP.

Pinaputukan ng suspek ang bintana ng police mobile na humahabol sa kanya gamit ang kalibre 45 na baril.

 

Nagpalitan ng mga putok ang suspek at ang mga otoridad, hanggang sa tamaan ng bala si Radam sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Napag-alaman na ang suspek ay may nakabinbin ng warrant of arrest para sa kasong pagnanakaw.

Dati na rin itong naaresto ng mga kapulisan noong 2015 dahil naman sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang isang kalibre 45 taurus pistol na may magazine at isang live ammo, apat na basyo ng kalibre 45 at 9mm na baril, isang magazine na may walong cartridges, isang sachet ng hinihinalang shabu, at 15 piraso ng P1,000 peso bill na nagsilbing marked money.

(Ghadzs Rodelas, Eagle News Correspondent- Batangas)

(Photos courtesy PNP- Lemery)