(Eagle News) — Hindi naiwasang muling sisihin ang dating administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa umano’y pagkawala ng kontrol ng Pilipinas sa ilang bahagi ng pinagtatalunang West Philippine Sea.
Ito ay matapos muling maungkat sa isinagawang briefing ng National Task Force for the West Philippine Sea ang mga naging aksyon ng nakalipas na administrasyon sa claim ng gobyerno sa ilang pinagtatalunang isla sa West PHL Sea na naglagay sa relasyon ng Pilipinas at China sa balag ng alanganin.
Sinabi ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa ipinatawag na briefing ng Special House Committee on the West Philippine Sea na pinamumunuan ni dating Speaker Feliciano Belmonte na nawala ang kontrol ng bansa sa Scarborough Shoal.
Nagpalala rin aniya sa diplomatic relationship ng China at Pilipinas ang naging pahayag noon ni Aquino na ukol sa pagkukumpara nito sa Beijing sa Nazi.
Agad namang binatikos ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano na kilalang kritiko ng Duterte administration ang tila paninisi ng kalihim sa dating administrasyon.
Sa nasabing briefing, tiniyak naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon na hindi inaabandona ng Duterte administration ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration kaugnay ng South China Sea na inihain ng Aquino administration.
Aniya, kailangan lang muna itong isantabi upang bigyang-daan ang negosasyon at mapanatili ang kapayapaan at magandang relasyon ng mga bansang claimant sa WPS.
Iprinisinta naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kanilang mga ginawang proyekto sa Pag-Asa Island matapos bumisita roon.
Ayon kay Lorenzana, kabilang sa isinaayos nila ay ang fish landing sa nasabing isla.
Pagpapalawak sa beaching ramp at lighthouse ng Philippine Coast Guard gayundin ang pagkukumpuni ng mga barracks ng mga sundalo at maging ang pagtulong sa mga naninirahan doon.
Una rito, ipinatawag ng komite ang briefing upang mabigyan sila ng update ukol sa mga lumutang na isyu ng umano’y militarisasyon at paglalagay ng mga bomba ng China sa West Philippine Sea at iba pa. Eden Santos