(Eagle News) — Muling nagbabala si Environment Secretary Roy Cimatu na naghihintay na sa mga establisyemento sa Boracay Island na nakapagdulot ng polusyon sa isla ang karampatang multa at posibleng kasong kriminal na isasampa.
Partikular na rito ang mga establisyemento sa Boracay na natuklasang mayroong underground sewers at pipelines na iligal na nagpapakawala ng maruming tubig sa isla.
Ayon kay Cimatu, ang mga nasabing establisyemento ay mahaharap sa karampatang parusa oras na ma-trace at maberipika ang mga illegal connection.
Hindi aniya sila mag-dadalawang isip na maghain din ng kaukulang kaso laban sa mga ito.
Paliwanag pa ng kalihim, ang mga may-ari ng illegal pipelines ay maaaring managot sa paglabag sa Republic Act 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004.
Sa ilalim ng nasabing batas ang sinumang mapapatunayang lumabag sa alinmang probisyon nito ay maaaring pagmultahin ng kalihim ng DENR sa rekomendasyon ng Pollution Adjudication Board ng halagang hindi tataas sa Php 200,000 kada araw ng paglabag magmula sa unang araw kung kailan inilagay ang mga nasabing pipeline.
At depende sa bigat ng offense, ang kalihim ng DENR ay maaaring maglabas ng closure order laban sa may-ari ng establisyimento at maaari ring magsampa ng kasong kriminal.
Nitong Mayo 25, sa pangunguna ng DENR kasama ang kinatawan mula sa aklan provincial government at isangdaang soldier trainees mula sa 3rd Infantry Division ng Philippine Army ay nahukay ng mga ito ang dalawampu’t anim na illegal pipes sa Boracay. (Aily Millo)