(Eagle News) — Pirmado na ni Manila Mayor Joseph Estrada ang isang ordinansa na nagpapataas sa multa ng mga lumabag sa Anti-Smoking Ordinance sa lungsod ng Maynila kasabay sa paggunita sa World No Tobacco Day.
Mula sa dating P 500, papalo na sa P 5,000 ang magiging multa sa violator maliban pa rito ang pagkakakulong ng tatlong araw.
Estrada, nais maging halibawa dahil sa pagtigil nya sa paninigarilyo
Aminado si Estrada na siya ay dating smoker at nais umano niyang maging halimbawa sa kanyang constituent sa pagtigil sa paninigarilyo.
MPD: 400 violator nahuli mula noong Pebrero
Buhat nang ipatupad ang Anti-Smoking Ordinance sa Maynila noong Pebrero, umabot na sa mahigit 400 violator ang nahuli.
Karamihan ang naaktuhan pa na naninigarilyo sa mga pampublikong lugar gaya ng terminal, paaralan, ospital, shopping mall at maging sa tanggapan ng pamahalaan.
Mahigit 900,000 Pilipino biktima ng second-hand smoke
Sa pag-aaral ng Philippine College of Chest Physicians, nasa mahigit 900,000 Pilipino ang nagkakasakit bunsod ng second-hand smoke o paglanghap lang ng usok ng sigarilyo mula sa isang aktibong naninigarilyo.
At nasa mahigit 80,000 Pilipino naman kada taon ang namamatay bunsod ng iba’t ibang sakit sa baga na may kinalaman sa paninigarilyo.
May quit line naman ang Department of Health (DOH) kung saan pwedeng tumawag at humingi ng payo ang mga nahihirapan pero nais nang tumigil sa bisyo ng paninigarilyo. (Jerold Tagbo)