Mar Gabriel
Eagle News Service
Naupo na bilang bagong hepe ng Public Information Office at Tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP) si Senior Supt. Benigno Durana.
Pinalitan ni Durana ang kaniyang kaklase sa PMA Maringal Class of 1988 na si Chief Supt. John Bulalacao na itinalaga naman bilang bagong director ng PNP Region 6.
Huling naassign si Durana sa PNP Holding and Accounting Unit sa Kampo Crame.
Sa kanyang assumption speech, nagpasalamat si Durana kay PNP Chief Oscar Albayalde sa tiwalang ibinigay sa kanya para hawakan ang isa sa mga itinuturing niyang pinaka-importante at kritikal na position sa PNP.
Nangako rin si Durana na ipagpapatuloy nya ang magandang pakikipag-ugnayan sa media na itinuturing nilang partner.
Naniniwala raw kasi si Durana na ang public service ay 50 percent communication, kailangan aniya nilang iparating sa publiko ang kanilang mga ginagawa para mas maging epektibo at ito ay sa pamamagitan ng media.
Samantala, naupo na rin sa puwesto bilang bagong hepe ng PNP Highway Patrol Group si Chief Supt. Roberto Fajardo.
Pinalitan nya sa puwesto si Chief Supt. Arnel Escobal na kanyang kaklase sa PMA class of 1987.
Sa isinagawang turn over ceremony, hinikayat ng bagong talagang opisyal ang mga tauhan ng HPG na ipagpatuloy lang kung ano ang kanilang ginagawa pero kailangan daw nilang gawin itong extraordinary upang mas maramdaman sila ng publiko.
Binigyan nya ng isang buwan ang kanyang mga tauhan para pataasin ang antas ng kanilang trabaho kung ayaw nilang maghiwa-hiwalay.
Pangunahin daw sa tutukan ng HPG ang traffic sa EDSA sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno.
Tutukan din daw ang mga kaso ng car napping at motor napping bilang pangontra din sa ridding in tandem criminals dahil kadalasang mga nakaw na motorsiklo ang ginagamit ng mga ito.