Pangulong Duterte, inaprubahan ang nominasyon kay Ferrer bilang bagong CEO ng PhilHealth

No automatic alt text available.

(Eagle News)- Pinagtibay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Lunes, Hunyo 4 ang nominasyon kay Dr. Roy Ferrer bilang kapalit ni Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) Chief Dr. Celestina Ma. Jude Dela Serna.

Si Ferrer ay tubong Davao at nakapagtapos ng kursong medisina sa Davao Medical School Foundation.

Sa kasalukuyan, siya ay miyembro ng PhilHealth board of directors na kumakatawan sa sektor ng mga manggagawa at pangulo ng Philippine Society of Medical Specialists in Government Service sa rehiyon ng Davao.

Nang hingin ang kaniyang reaksyon ukol sa kanyang pagkakatalaga bilang bagong tagapanguna ng ahensiya, sinabi nito na gagawin niya ang kaniyang makakaya.

“Gagawin ko ang aking makakaya upang maging isang mabisang tagapaglingkod ng publiko at upang ipatupad ang mandato,” pahayag ni Ferrer.

Ang pagkakatanggal sa pwesto ni Dela Serna ay nag-ugat mula sa mga ulat ng katiwalian sa PhilHealth, labis-labis na paggastos nito sa kaniyang mga personal na paglalakbay at panunuluyan sa mga magagarang hotel.

Kamakailan lamang ay kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang nasa P627,000 na ginugol nito sa kanyang byahe mula Tagbilaran patungong Maynila.

Kasama sa nabanggit na halaga ang pamasahe sa eroplano, bayad sa terminal, at sa mga tinuluyang nitong hotels.

Sa ngayon ay nasa ilalim na ng imbestigasyon si Dela Serna, ngunit hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Malacañang hinggil dito. Jodi Bustos