(Eagle News)- “Matagumpay at matiwasay.”
Ito ang paglalarawan ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones sa unang araw ng pasukan para sa taong 2018-2019.
“Ang assessment namin dito sa (DepEd) at sigurado naman ako marami naman ang mag-agree na generally peaceful, generally successful dahil madaming ginawang paghahanda ang department,” pahayag ni Briones.
Ayon sa kalihim, lubos na naghanda ang kagawaran para sa pagbubukas ng klase ngayon araw at kanilang sinuring mabuti ang kahandaan ng mga eskwelahan mula pa noong huling bahagi ng 2017.
“Una, last quarter pa lang last year ay nagkaroon na tayo ng assessment ng readiness ng mga eskwelahan so doon nakikita kung aling mga eskwelahan ang kailangan pa ng tulong,” dagdag pa ni Briones.
“May mga criteria halimbawa sa classrooms, sa toilet, sa tubig, sa seats, sa laboratory equipment and so on. So inassess ‘yan at napakataas naman ng rating,” pagpapatuloy pa nito.
Mahigit sa 27 milyong mga mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 12 ang nagbalik paaralan ngayong araw sa mga pampubliko at ilang mga pribadong eskwelahan. Jodi Bustos