Wastewater treatment at sewerage system sa Metro Manila, nais paimbestigahan ng Senado

(Eagle News) — Nais pa-imbestigahan ni Senador Cynthia Villar ang wastewater treatment at sewerage system sa Metro Manila na tinukoy niyang pangunahing dahilan kung bakit patuloy na nasisira ang kalidad ng tubig sa Manila Bay.

Kaugnay nito, inihain ni Senador Villar ang Senate Resolution Number 747 na nag-aatas ng nasabing imbestigasyon.

Ayon kay Villar, mahaba-haba pa ang guguguling panahon para muling maibalik sa maayos na kondisyon ang Manila Bay.

Pero nakakalungkot aniya na sa kabila ng mga ginagawang hakbang para malinis ang Manila Bay ay lalo pang lumalala ang kalidad ng tubig nito dahil sa hindi maayos na solid waste management at ang kakulangan ng pasilidad para sa tamang proper wastewater disposal.

Inilarawan pa nga ni environmental lawyer Antonio Oposa ang Manila Bay na parang isang toilet bowl na ginagamit araw-araw ngunit hindi naman fina-flush.

Sabi ni Villar, ito ay dahil na rin sa mga informal settler sa port ng Maynila na walang palikuran.

Ito rin aniya ang dahilan kung bakit niya pinangunahan ang proyekto kasama ang Department of Health (DOH) na pagkakaloob ng toilet bowls sa Baseco kung saan nasa limang libong pamilya ang wala nito.