24–hr checkpoint sa buong bansa at pag-aresto sa private armed groups, ipinag-utos ni PNP Chief Albayalde

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Sampung buwan bago ang midterm election, ipinag-utos na ni Philippine National Police Chief Oscar Albayalde ang pagpapaiting sa kanilang check point operation at intelligence gathering sa buong bansa.

Ito ang nakikitang paraan ni Albayalde para mapigilan ang mga insidente ng karahasan na maaari pang mangyari kasunod ng serye ng pagpatay sa mga elected official.

Bagaman hindi pa umiiral ang gun ban, target daw ng PNP na makumpiska ang mga nagkalat na loose firearms sa bansa na karaniwang nagagamit sa krimen.

Ipinaaaresto na rin ni Albayalde ang mga gun-for-hire group at private armed groups na inaalagaan ng mga pulitiko at kadalasang nagagamit sa mga karahasan.

Sa record ng PNP, may 78 private armed groups sa buong bansa na ang karamihan ay nasa Mindanao.
Tuloy-tuloy naman daw ang kanilang case build ups laban sa naturang mga grupo para sa pagsasampa ng kaso at pagsasagawa ng operasyon laban sa mga ito.

“It’s not really alarming naman, this is part of our target hardening measures para ma prevent natin ang posible pang hostilities or violence in lieu of the forthcoming elections next year. Hindi lang to disarm but to arrest them and put them behind bars,” pahayag ni Albayalde.